Hindi ko na matandaan kung ilang taon na kong nakatira dito sa Ilocos Norte St. Simula nang mapadpad ako dito eh simula din ng pagtigil ko ng paglilipat bahay taon-taon. Wala akong kagamitan noon. Isang electric fan, mattress, laptop, gitara, mga damit at sapatos lang ang gamit ko. Dalawang pirasong pinggan, baso at kutsara't tinidor. Kung bakit dalawa, kasi naglalaan ako para sa bisita. Kaya kung higit sa isa ang bisita, well, alam na.
Wala kasi akong tinatagalang kasama, kundi ako nagmamaldita eh nagsasawa naman ako. Minsan kasi gusto ko ng may kausap pero madalas gusto ko pag-uwi ko tahimik lang. Ayokong nakakakita ng kalat ng iba gusto ko kalat ko lang haha. Ang hirap kasi makisama, at ang mahirap eh mas hirap akong makisama dahil hindi ko din alam. Moody kasi ako yun lang, at baliw din ata malamang.
Si kids lang ata ang tumagal sa'kin. At sa isang milyong pag-iinarte ko, tantrums, baliwag modes at lahat-lahat na... siya lang ang tumagal. Palagi nga kaming nagpagkakamalang magkapatid dahil sa bilugan naming mga mukha. Pero para na rin naman talaga kaming magkapatid. Kulang nalang magpalit na ng apelyido ang isa sa amin. Hindi naman namin masasabing maganda ang samahan namin parati dahil imposible yun (teka, ano to parang magjowa?!) anyway, lahat naman ata ng mga nakasama ko eh napagkamalang jowa ko, mapa-lalaki man o babae. Chickboy daw kasi ako, pwede sa chick pwede sa boy hahaha. Sa kabila ng mga chismis na iyan, eh babae parin naman ako, kahit mukha akong lalaki hahahahahahaha.
Teka asan na ba ko?... bahay.
Saksi ang 507 sa lahat ng mga kabulastugan namin, marami sana akong gustong isulat dito pero sa'min nalang yun. Basta ang alam ko lang, kung nakakapagsalita lang ang mga bahay natin, malilintikan tayo lahat.
Bukod sa whistling takore na gumagawa ng aking mainit na tubig para sa aking hindi mabilang na kape at sa microwave na nag-iinit ng mga pagkain ko at mga natitirang pagkain ko sa ref. Isa lang ang pinakapaborito ko sa bahay na ito... ANG COUCH!
Yes, ang couch. (inuulit ko ba ang sinasabi ko?!) Ang couch kasi ang unang sumasalubong sa'kin pag-uwi. Sa couch ako maghapon pag wala akong pasok, sa couch ako nakakatulog pag hindi na abot sa pagpunta sa kama ang antok ko. Sa couch ako nagmumuni-muni. Sa couch ako nangangarap. Sa couch ako nakatira sa madaling salita. Tanggalin mo na lahat ng bagay dito 'wag lang ang couch. Kahit na ilang beses ko nang pinapalayas ang couch na ito dahil pinapasikip niya ang espasyo ng 507, hindi pa rin siya maalis-alis. Kung anu-ano na nga ang naging pwesto niya pero sa lahat ng pwesto na yun, parehas parin ang serbisyong nagagawa niya para sa'kin.
Natatandaan ko pa dahil sa sobrang malasakit ko sa couch na ito. Dati nasunog yung isa ng sigarilyo, nagtuturuan pa kami ni kids kung sino sa aming dalawa ang may sala. Pero bandang huli ako din ang gumawa. Sumira ako ng necktie na pula para ipantapal sa ilalim nung parteng butas, at tinahi ko ito ng isang buong araw. OO, isang buong araw! Ang tagal ko pang nagplano kung paano ko tatahiin ng bongga, yung hindi kagad masisira. At ang naisipan kong teknik ay ang aking WEB-STITCH. oo web-stitch parang agiw ang dating kahit hindi talaga siya mukhang web pero parang web lang ang pagkakagawa. Ayun, sa isang buong araw na nag-ala spiderwoman akong mananahi, naabutan pa ko ni kids na nagtatahi parin pag-uwi. Pero namangha siya sa resulta. hahahaha. Ayos na si couch at medyo di na halata ang butas. Success! at sa awa ng diyos, buhay parin ang web-stitch at hanggang ngayon inaalalayan parin ang butas para hindi dito tuluyang lumaki at masira pa. Ayos talaga! High-five!!!
Pero ngayon kasi medyo stinky na siya. Sa dami ba naman ng naganap dito eh sa simula ng napunta to dito hindi pa rin nalilinis dahil walang lugar para malabhan. Pagpag lang ang katapat, okay na. Lubog na nga ang foam nung iba pero ang maganda, uratex daw ata ito at bumabalik sa dati kapag hindi naupuan ng matagal-tagal. Pero pagnandito kasi ako, hindi talaga ako umaalis sa pwesto ko, at madalas nakahulma na ang buong pagkatao ko. Kaya minsan lumilipat-lipat ako ng pwesto para hindi naman gaanong kainin ng foam ang pagkatao ko.
Actually ngayon andito ako ngayon sa couch. Siguro kung nakakapagsalita lang ito, malamang galit na 'to dahil sa bigat ko palang eh wala na pagod na talaga siya. Pero siguro kung naging tao lang din ito, sobrang na-fall na sa'kin 'to, sa sobrang closeness naming dalawa. Eh wala naman na kaming maitatago sa isa't-isa, pwet ko ba naman ang palaging nakakasalamuha niya hahaha.
Ang couch ang haven ko. Dito ako mas nakakapagpahinga. Mas dito pa nga ko tinatamaan ng antok kesa sa kama. Kahit magguhit-guhit ang katawan at mukha ko, wala akong pakealam. Halata kasi na sa couch natulog kasi bakat-bakat yung texture ng tela sa kalahating mukha o kaya sa katawan hahaha. Pero mas gusto ko kasi dito, ewan ko ba?! Minsan nga bukod sa alikabok, couch ata ako nung past life ko. At kung mare-reincarnate ako, couch din siguro ako... ang labo!
Pero malamang kung sakaling mamamatay ako, itong couch na ito ang babalik-balikan ko. Samakatuwid, dito ako magmumulto. Kung may mabasa kayong ghost story na ang title ay "ANG BABAE SA COUCH"... sigurado... wala ng iba, ako ang multo na 'yun.
Swerte ng makakabili ng couch na 'to kung sakali. May couch na siya may company pa!!! Oyeah!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento