------------------------------------
Kung nakapanood ka ng iGenius Simulcast nung sunday pwes mage-gets mo how Steve Jobs changed the world. Hindi talaga ko buyer or fan ng Apple products. 2008 I bought that iPhone na sobrang fantasized by some noon at sobra-sobrang sikat na ngayon. Dati kasi hindi masyadong pinapansin ang Apple products dahil mahal nga and hindi naman siya masyadong sikat dito sa Pilipinas. Ito ngang phone ko galing pa ng states kasi di pa talaga available dito noon at at&t pa ang line ko hahaha naka-jail break lang ako, kaya nga hindi ko ma-update online ng bagong OS version kasi maba-block ako ng at&t hahaha ang labo! Anyway, masyado lang akong ambisyosa dati kaya iPhone ang binili ko at tsaka maliban sa Sony Ericson, wala na kong ibang gustong brand ng phone, matagal ko ng itinakwil ang Nokia dahil sa kabagalan niya at bilang may ADD ako eh hindi talaga siya bagay sakin dahil super-hang ang drama niya. Iba talaga ang iPhone, sabi nga sa iGenius, "music, internet and phone in one". Sosyal!!!
Hindi naman ako sosyal, nahulog lang kasi sa inidoro dun sa editing house na pinagtratrabuhan ko noon yung isang super favorite ko na k16i Sony Ericson kaya napabili ako ng bagong phone, at dahil "mayamang" ako - noon, iPhone ang ipinalit ko. Hindi naman ako nagsisi. :))) Minahal ko siya ng lubusan hahaha, kaya nga hanggang ngayon siya parin ang phone ko :))) We're meant to be together forever! Sabeeee?!
Iniba ng iPhone ang mundo, iniba ng kakaibang idea ni Steve Jobs and mundo sa pamamagitan ng iPhone. Pero di lang ng iPhone, marami pang ibang genius ang nag-iba ng mundo, iniba na talaga ng teknolohiya ang mundo.
SIMPLENG MEETING/KITA-KITA.
NOON:
May sarili kang phonebook, yung tipong sulat kamay pa at di lang yun, kabisado mo lahat ng number ng mga kakilala mong may telepono. Kapag may tatawagan ka namang mga importanteng tao o lugar, kailangan may yellow pages, nandun lahat at iisa-isahin mo pa bilang may magkakapangalan pa. O di naman kaya punta ka sa may gilid ng ref nandun may mga madalas tawagan na numbers. Tapos kailangan mong pang humanap ng mga payphones/booth para makatawag. Naabutan ko 3 pesos per 1 minute call.
EH NGAYON:
May phonebook parin pero nasa cellphones na, wala ka na ngang kabisadong number ngayon ng kakilala mo, kaya pagnawala ka, wala ka talagang matatawagan. Pag may kailangan ka namang tawagang lugar o kakilala pwede naman hanapin sa internet sa telepono o sa mga pc shops, andun nasa mga SN sites nila nakabalandra, o di kaya pwede naman i-message nalang sa FB or i-TWEET pag wala ka ng load kaya di ka maka-reply or lowbat ka kaya hindi ka ma-reach.
KAYA NAMAN:
Tamad na magkabisa, hindi na nakakapagbasa, wala na ang importansya ng usapang matino paminsan. Ang oras wala nang halaga, dahil pwede naman i-text kung nasaan, kita-kita nalang, text-text nalang. Meron naman daw SN sites, dun nalang. Tsk.tsk.
BIRTHDAY GREETINGS at iba pang okasyon.
NOON:
Pupunta ka talaga sa bahay para maki-birthday, o kaya yun nga tatawag ka sa telepono para bumati at kung nasa malayo ka naman magpapadala ka ng sulat o ng greeting card para bumati may kasama pang picture o kung ano man, regalo siguro. Pag mag-iimbita ka nga, pupuntahan mo talaga sa bahay para ibigay ang invitation mo. Parang napaka-meaningful ng mga okasyon, feeling mo ang daming nagmamahal sa'yo kasi andaming dumalo nung birthday mo o kaya nung pasko nung new year yada, yada, yada. O kaya dahil isa ka sa mga pinuntahan sa bahay para maimbita, yessss, lalo na kung crush mo pa yung may birthday, naks, ayos yun.
EH NGAYON:
Babatiin ka nalang sa FB o sa Twitter, o kaya i-tetext ka nalang, swerte mo kung tatawagan ka sa cellphone para batiin. Greeting cards sa FB narin o kaya may mga links ng mga kung anik-anik. O kaya Facetime o kaya Skype, sosyal diba? lalo na kung may video greetings ka pa.
KAYA NAMAN:
Iba na feeling ngayon, looking forward ka na kung sino ang magpopost sa wall mo sa facebook, kesa sa sino ang babati sayo ng personal o yung tipong maririnig mo ang boses na nagsasabing :Happy birthday. tapos may kasama pang kumustahan ng konti. Okay lang na hindi mo na kitain kasi pwede naman i-Tweet nalang, at least malalaman pa ng buong mundo na binati mo si ganito. Tsk.tsk. Wala na ang halaga ng akap, o ng beso o ng boses man lang at ng regalong binibigay ng personal, hindi galing sa email o sa youtube o kung anong site. Bihira nalang ang gumagawa niyan, yung tipong lights out surpresa, may cake at balloons pa, pansit o spaghetti lang masaya na. O kaya simpleng roadtrip at isaw lang sa kanto o fishballs sa tabi-tabi masabi lang na "oi treat kita, birthday mo!". Yung tipong alam mong mahalagang tao ka ng araw mo. Haaaay!
GETTING TO KNOW STAGE - PANLILIGAW - BF/GF RELATIONSHIP - MARRIAGE.
NOON:
Kailangan mong sulatan para magpakilala, at kakausapin mo para malaman kung pwede ba ligawan, o tatanong mo kung may BF/GF na ba, o kaya alamin ang telepono sa bahay para makausap. O kaya i-stalk mo sa pamamagitan ng pagpunta kung saan din siya pumupunta. Alamin ang oras ng paglabas ng school o ng trabaho para kunyari nagkasalubong kayo pero kyeme lang. Pag manliligaw ka na, hatid sundo, sulat parin, tawag sa telepono, bisita sa bahay, date kung saan-saan. Nandun parin ang sense ng pagkikita at pag-uusap. Pag kayo na, ganun parin naman, pero pag mga tipong dates, tatawagan mo at sasabihing ganitong oras ako dadating. Kaya ikaw naman si girl, super-prepare ka na para pagdating niya ready ka na, antay ka nalang ng doorbell o kumahol ang aso niyo kasi may tao sa labas ng gate o sa pinto mo, pagna-late ng konti, magwo-worry ka pa ng konti kasi bat ang tagal?! hahaha. Pero pagdumating na, okay lang, tinest lang ang patience mo ng konti. ahahaha. Pag-asawa mo na, yung tipong ala-syete palang nagluluto ka na, kasi dadating na ang iyong mahal na asawa kasi ganitong oras ang uwi niya. Tapos naman, sa umaga, may mga notes pa na iniiwan na, good morning, have a good day love. asus! ang cheesy!!!
EH NGAYON:
Kung may crush ka o gustong ligawan, titingnan mo nalang ang impormasyon sa FB, sa TWITTER at kung saan man siya may account. Dun mo din makikita kung in a relationship ba o single. May libre ka pang pictures aba, makikilatis mo na daw kung maganda o gwapo ba talaga. Ilang taon na, saan nag-aaral, anong trabaho, kung anong gusto niya sa buhay at kung anu-ano pa. In one click, ang impormasyon - nakabalandra pati phone number, cellphone number, pati address. GO!!!! tsk.tsk. Pag-nililigawan mo na, siyempre malamang everyday magtetext ka ng kamusta, meet nalang kung saan, tanong mo nalang wat time siya andito sa lugar na to, magkita nalang kayo dun. Pag-GF/BF na, maya't maya text kung kumain ka na, kumusta ka na, anong ginagawa mo ngayon, miss na kita I love you. I love you too. Kahit routine nalang, sige lang, minsan kahit hindi na totoo, hindi lang sumama ang loob, te-text mo nalang din. Yeah, miss din kita!!! hahaha. Ang masaklap pati break-up sa cellphone nalang din. Pati awayan. Lahat na!!! Pag-mag-asawa na ganun din, kulang nalang pati pag-gawa ng baby sa cellphone nalang din. Hay! Nako!
KAYA NAMAN:
Sinusukat ang relasyon sa dalas ng text, sa dalas ng post o chat sa FB, kung ikaw ang pinakamasipag at unang nagcomment sa post, sa dami ng tweets, sa tags, kung ilan ang pictures niyo together, kung gaano kayo ka-sweet. Woooosh! Madalas pati ang away, pinagmumulan na ang FB at iba pang SN sites. Kasi paranoid si Boy o si Girl, bakit nag-post siya ng ganito kay ganito, bakit ito ni-like niya yung akin hindi? Bakit parang ang sweet ng pagkaka-tweet niya kay ganito? Bakit hindi siya nagreply dun sa post ko? Hay! Nako!!! Lumiliit ang mundo. Kumokonti ang togetherness ng magkakarelasyon, pwede naman mag-skype nalang o kaya chat, real time din naman. Pero yung feeling na alam mong andun, hindi mo na alam kung andun nga talaga. Kasi binabase na sa sweetness ng pagkakatext o pagkaka-post. Kung may puso o smileys pang kasama, additional sweetness daw. Kung may picture at video pa, ah eh super-cheesy na daw talaga. Pero yung usap na nakikita mo ang reakson at kilos ng isa't-isa, yung tono ng pagkakasabi ng isang salita,, yung lalim at kislap sa mga mata, wala na. Ewan ko ba ang daming nahuhumaling sa mga Cyber-realtionships. Anong meron? Walang sincerity, at kung meron man, napakababaw na ng appreciation natin sa sweetness at sa tinatawag na love o true love para sa mga nagpapaka-deep. Tsk.tsk.
LITRATO
NOON:
Kung hindi ka ganon kayaman at wala kang pambili ng sangkatutak na film, eh bilang lang ang shots mo, yung tipong kung 36 shots eh, 10 shots na solo, 10 shots na grupo, 10 shots para sa solo naman nung kasama mo tapos yung remaining shots bahala na, pwedeng shots ng lugar o kaya ng mga animals kung sa zoo kayo mamamasyal hahaha. May libre pang mga 2 shots dun, hanggang hindi pa nagrerewind ang camera. At ang catch dun, hindi mo sigurado kung anong kalalabasan ng shots mo, ang masaklap pa eh kung tanga-tanga yung nagtanggal ng film sa camera at na-expose pa eh wala na nalintikan na. Expect mo na, na may tama ka ng liwanag sa mukha o kaya sa sobrang malas, puti lang ang shot o kaya paa mo lang yung nakita hahaha. Yung mga nakakatawa naman yung tipong, nakapikit ka, o kaya mukha kang tanga kasi hindi ka naka-smile o kaya may biglang dumaan ikaw lang ang natakpan hahaha. Pero priceless, kasi yun na yun, hindi mo na mababago, depende nalang sayo kung lalagay mo sa album mo o itatago mo. Kung paborito mo eh, magpapa-develop ka pa ng malaki at ipa-paframe mo pa. Lilipas ang ilang taon, pagmay bisita ka, yung album na nasa sala, yun kagad ang ipinapakita natin. Precious ang mga oras kasi dun palang makikita yung anong itsura mo nung bata ka, minsan may picture ka with someone they know din. Maraming revelations. At nagkakaroon ng deeper connections kasi iba yung feeling ng nag-ba-browse ng photo album, ang reactions parang nakaka-capture din. Ilang taon ang lilipas pa, mas lumuluma mas nagkakaron ng halaga, tumatanda mas gumaganda mas nagkakaron ng value.
EH NGAYON:
Lahat halos ng telepono may camera na, kung pangit ka sa shot na ito, pwede burahin tapos ulitin ulit. Tapos pwede na din i-edit, palitan ng kulay, i-crop, i-send kung kani-kanino. Ang masaklap pa eh pagpinost pa sa mga SN sites, lahat na ng may access sa account mo, alam na. Antay ka nalang ng comment. At mas maraming comments at likes, SIKAT?! mas maraming nagsasabi na maganda ka sa litratong ito, WOW! na-bo-boost daw ang confidence mo dahil marami kang fans. Nyahaha. At dahil wala na ngang limitasyon sa shots eh 300 ang litrato mo dahil yun ang kasya sa 8GB mong memory card. So lahat yun i-popost mo, para ma-unload ang card, tapos buburahin mo na, hayaan na naka-save sa isang SN site mo. Safe na yun dun. Pano kasi mas maraming pictures mas marami daw makukuhang atensyon, mas marami ang magcocomment at mag-la-like.
KAYA NAMAN:
Dumadaan nalang lahat ng litrato. Imahe nalang ng pangyayari sa araw na ito, bukas wala na nakalimutan na. Pagwala kang connection, sorry hindi mo mavu-view, hindi ka makakag-like o comment na maganda. Wala ng anticipation kung anong itsura sa mga litratong kinuha. Nakikita nalang, pero hindi na nahahawakan. Masyado ng digital, lugi na ang mga film and ibang camera stores kasi bihira nalang ang tumatangkilik ng print. Hindi na din mabenta masyado ang mga photo albums. Wala na ding nagpapapicture sa mga Studios kasi kung may SLR ka o camera phone, pwede naman na dun. I-edit nalang sa photoshop. Nakaka-miss ang pagpapagpag ng alikabok sa mga photo albums, yung tipong hahalungkatin mo pa sa baul para maipakita sa isang tao. "Ito ang itsura ko noon, ito tayo noon natatandaan mo ba?". Tsaka kayo magrereminisce, hay ang sarap naman mangarap. Makabili nga ng photo album bukas hahaha.
Masyado na kong madaldal tatapusin ko na sa...
PAGKATAO at BUHAY
NOON:
Hindi mo masasabing kilala mo ang isang tao unless nakasama mo talaga - ng matagal. Hindi mo malalaman matalino si ganito kung hindi ka pupunta sa bahay at makikita ang mga plake at medalya na nakasabit sa dingding. O base sa kwento ng mga kapamilya at kaibigan. Hindi basta-basta kung hindi ka magtutuon ng panahon at ng oras para makasama ang isang tao, para masabing kaibigan mo talaga siya. Panahon, oo tagal ng panahon ang binibilang noon. Pagsasama, oo sa dami at tatag ng samahan nasusukat ang pagkakaibigan.
Mas malalim ang buhay dahil kailangan mo halungkatin ng matagal, araw-araw na obserbasyon. Ang pagkatao, hindi basta-basta, noon nakabase sa reputasyon, kung ano ang pagkakilala ng iba base sa kwento, sa pagkaka-describe ng iba kung sino at ano ka.
EH NGAYON:
Porket friend mo na sa isang SN site, friends na?! Isang buong araw mo lang ka-text feeling mo close na kayo. Nag-like lang ng isang photo mo o nagcomment lang ng "ang cute mo dito" feeling mo may crush na sa'yo. Kung pano mo gustong makilala, ilagay mo lang sa profile mo lahat ng kayabangan mo at iyon ka na. I-post mo lang pati ang nakuha mong award at binili mong napakamahal na sapatos, mayaman ka na. Magbalandra ka ng mga pictures mong naka-two piece at bikini, maipakita lang na sexy ka. Go!!! Flaunt everything, project everything kahit madalas hindi naman talaga ikaw yun. Gusto mo lang magpasikat. Gusto mo lang makilala as ganito as ganyan. Fan ako ni ganito ni ganyan. Pero sa totoong buhay hindi naman talaga, gusto mo lang maki-uso. Gusto mo lang i-broadcast sa buong mundo ang lahat ng ginagawa mo, mag-inggit? magmayabang? mag-pa-impress sa crush? masabi lang na IN ka? ewan ko. Iba-iba ang intensyon ng lahat ng tao.
KAYA NAMAN:
Hindi mo na talaga kilala ang mga nakakausap mo araw-araw. Close ba talaga kayo dahil marami lang kayong pictures sa mga SN sites na magkasama kayo, o mayaman to kasi ang dami niyang pictures abroad et al. Nakabase ang pagkatao at ang buhay mo, ayon sa mga pinapopost mo at kung ano ang nasa profile mo. Dahil lahat na ng magandang pwede mong ilagay, nilagay mo na para masabi lang na maganda kang nilalang ng mundong ibabaw. Yung mga panget, hindi mo nilalagay kasi nakakahiya nga naman. tsk.tsk.
Hindi ako nagpapakadalubhasa. May mga SN accounts din ako, marami din akong pictures and videos sa mga iyon. Konti nga lang ang mga friends ko dahil hindi naman ako nag-a-add ng kung sino-sino. Alam ko naman na sa isang banda eh nahumaling din ako sa mga SN sites na yan. Pero matanda na ata ako at twisted ako ngayong araw na to hahaha. Hindi ako naghuhugas kamay, pero ngayon na tinatamad na ko bumisita sa mga SN sites ko, na-re-realize ko lang kung gaano ka-importante ang privacy. At ang ease na alam mong hindi naapektuhan ng ibang tao ang nilalaman ng isip mo ngayon. Marami kasi ang gumagawa ng mental interpretations sa mga post, sa mga pictures, sa status. Nagpaparinig? Nagagalit? Nang-aaway? Nagpapayabang? Nang-aasar? Nagpapapansin?.. Yeah madalas nagpapapansin. Try mong maglagay ng status na "I'm so sad today"... malamang madaming magtatanong kung bakit hindi ba? Ewan ko, pero ngayon kasi, ewan ko baka masyado lang iba ang takbo ng utak ko ngayong araw na ito, nakakatamad lang, nakakatamaran ko na. Masyado silang maimpluwensya. Ginagawa kang tamad, ginagawa kang tanga, ginagawa kang hindi ikaw. Well, yung mga pinopost ko naman eh totoo naman, madalas nga eh mukha pa talaga kong tanga, pero EWAN KOOOOO! Ayoko lang maapektuhan ng mga SN sites. Ang lakas maka-paralyze. Ang lakas makasakit ng ulo ng iba.
Naalala ko sabi ng professor ko dati sa Sociology, hindi ba natin naiisip na may mga aliens na talaga sa paligid natin na nagtransform lang bilang tao, at unti-unti na tayong nilalagyan ng chips sa mga brains natin. At sila na din ang nag-iimbento ng mga makabagong appliance at gadgets para gawin tayong tamad. At dadating ang panahon na sa sobrang hindi na natin kayang gumawa manually at masyado na tayong nakadepende sa mga makabagong teknolohiya sa paligid natin eh wala na talaga tayong alam gawin? Ginagawa na tayong robot unti-unti at ang chips na nilagay nila sa brain natin eh bigla nalang nilang ia-activate at sa isang kurap eh alipin na nila tayo ng hindi natin napapansin.
Tsk.tsk. hindi naman malayo sa katotohanan. Konti nalang ang mga batang marunong maglaro ng patintero, ng tumbang preso, ng syato at ng tagu-taguan. Halos karamihan na kasi nasa tapat ng PC, ng laptop o ng game console, nakaupo at nakatapat sa harap ng telebisyon o ng PC monitor.
Ang sense ng "kasama" ay limitado na. Ang term na "kausap", ang dami nang ibig sabihin, pwedeng kausap sa FB, kausap sa Twitter, kausap sa Skype, kausap sa text... ewan!!! Dati pag sinabi mong kausap ko si ganito, kausap talaga. Yung tipong talsikan ng laway ganon hahaha.
Marami ang naghihiwalay dahil sa selos sa mga SN sites, yung mga paranoid na nag-iimbestiga, nagbabantay ng post, ng like. Yung iba gaya-gaya pa, yung tipong iniiba na ang tunay na pagkatao nila para lang magustuhan ng iba. Yung mga nag-ra-rant, yung tipong pati pag-tae iti-tweet pa, ang nakakatawa pa dun, naka-public pa ang mga accounts, gusto lang talaga magpapansin.
Nakatatawa. Nakasasawa.
Akala ng mundo mas lumalalim ang buhay sa mga makabagong imbensyon. Mas bago sa teknolohiya mas maayos ang buhay, mas IN, mas sikat. Pasasaan ba, ang tunay na talento ng tao, unti-unti ng nabubura dahil kaya ng gawin ng robot at mas flawless pa. Dadating ang panahon, ang kakayahan ng tao, limitado na. Dadating ang oras na ultimo simpleng gamot sa lagnat, i-gu-google pa. Tsk.tsk. Darating ang panahon, ang companionship, virtual na. Ang kaibigan, CG na. Ang pamilya, nag-uusap nalang sa pocket PC's, nagwa-wire nalang ng allowance sa cellphone, kahit hindi na magktia-kita ayos lang, SKYPE. Ang pag-ibig, ini-inject nalang sa utak at puso. Ang buhay, de-saksak na. Pwede mo i-charge pag-wala nang energy. Mag-download ng HAPPY APPLICATION at i-install para sumaya ka.
Ewan ko. Hindi ba lahat ng parte ng katawan natin na hindi nagagamit, nag-sh-shrink? Pansinin mo sa kamay mo, kung right handed ka, mas malaki ang kanang kamay mo kasi yun palagi ang nagagamit. Ang muscle para lumaki kailangang i-work out. Para hindi ka tumaba magbawas naman ng pagkain. Ang ginagawa ng teknolohiya ngayon, lahat pinapadali, may mga gadgets na pampalaki ng muscle kahit na nakaupo ka lang. Ikabit mo lang sa braso mo, i-wo-workout na daw nito ang kusa. Tsk.tsk. Hindi na talaga tayo pinapakilos ng malala. Lahat ng malalaki noon, pinapaliit na ngayon. No wonder, balang araw, pati utak natin nag-shrink na dahil hindi na masyadong nagagamit dahil computer nalang ang nag-iisip para sa'tin.
Read, write, move and go places. Wag lang tayo mag-stop sa pagiging consumer lang at umasa. I-build ang buhay hindi base sa profile sa SN sites at sa mga post and statuses. Wala akong pakealam kung 5 million ang followers mo o 5000 ang friends mo sa FB. Darating ang panahon, sa gitna ng problema at ng sakuna, kung sino ang taong nasa tabi mo yun ang mahalaga. Hindi matutumbasan ng ka-tweet o ka-FB o ka-text o ka-SKYPE at ng kung sino ang palaging visible sa wall mo o sa timeline mo ang kasiyahang maibibigay ng totoong "kasama at kausap". Pero sa totoong buhay naman talaga, wala pa ata sa 5% ng mga friends natin sa mga SN sites eh totoo talagang kaibigan natin.
Hindi naman lahat ng gumagamit ng internet ay responsable dahil sa sobrang accessible nito, basta marunong kang mag-operate, user ka na. Pero sa panahon ngayon kahit 2 years old marunong gumamit ng computer. tsk.tsk. Nalason na ng husto ng teknolohiya ang mundo. Ang lakas lang din maka-loko ng mga SN sites, di natin alam, brainwashed na tayo. Kala natin lumalawak ang ating social skills pero sa totoo, nililimitahan nito ang kakayahang nating sumens ng true emotions, ng psyche at ng actions dahil nakabase nalang lahat sa text. Bahala ka ng magbigay ng sarili mong interpretation, ganon.
Tsk.tsk. Ang hirap naman dahil pagwala kang mga ganyan-ganyan, hindi ka daw IN. Underground nga daw sabi ng iba. Marami pa rin akong kakilalang walang FB, o Twitter o Google+. Wala naman akong nakikitang lamang ko sa kanila. Hindi din naman sila less as a person. Parang mas madami pa ngang angst ang mga taong may mga accounts sa SN sites. Parang ako lang ngayon. Tsk. Ewan ko. Basta ko dito nalang muna ko siguro. At isa lang ang alam ko sa ngayon, ang daldal ko!!! hahaha. Pwes, walang pakealamanan kahon ko 'to no!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento