Biyernes, Setyembre 23, 2011

BOSES LANG

Noong bata pa ako ni hindi sumagi sa isip ko na magiging editor ako balang araw. Gusto kong maging Lawyer o kaya Doctor. Siguro tulad din ako ng mga bata noon... mataas ang pangarap. Pero isa din ako sa mga batang hindi nakamit ang mataas na pangarap na 'yun. Isang dahilan ang kawalan ng salapi at sangkatutak na dahilan kung bakit hindi nakuha ang kursong gusto ko. Ayoko nang palawigin pa, pero masyado na ata akong matanda para pangarapin pa ulit ang pangarap na yun, masyado na ring huli ang lahat para mag-Law pa ko o mag-Medicine.


Bilang mahilig naman akong kumanta, Mass Communication ang kinuha ko, ang labo hahaha. Pero hindi ko rin natapos. Unang-una dahil delingkwente akong estudyante, pangalawa hindi ako masipag mag-aral, pero "bright" daw ako sabi ng isang prof ko noon. Pwes, maliwanag pa sa sikat ng araw... alam kong bright talaga ko hahaha. Well, maraming naging hadlang para hindi ko matapos ang kolehiyo, magulo ang buhay ko noon, mahirap naman ngayon. Hindi naman kasing hirap, tulad ng iniisip mong "hirap" dahil hindi ko naman naranasan lumangoy sa dagat ng basura at matulog sa kalsada (commercial ni Manny Villar). Hindi mo lang talaga matatawag ang pamilya ko na mayaman o may kaya, pero hindi naman kami naghihikahos dahil nakapasok pa ko sa isang pribadong paaralan noong elementary hanggang 1st year highschool, nailipat ng publikong paaralan nung 2nd year at dun na grumaduate ng may sama ng loob at may baong angst, hindi ko alam pero punung-puno ako ng angst noon dahil ang feeling ako naitapon ako sa isang kulungan simula nung nag-public school ako. Pero bumalik naman ako ng pribado noong kolehiyo pero ang angst ko sumama, ayun tuloy delingkwente... pero bright naman daw. (ayaw tumigil?) haha.


Pero dahil sa kayabangan ko noon, ayan hindi ako nakatapos. Lumipas nalang ang mga taon hindi na ko nakabalik ulit sa unibersidad ng malayong silangan simula nang matanggap ako sa isang brodkasting network na pangarap ng mga kaklase kong grumadaute. Aba, nakapasok na ko eh, bat pa ko babalik sa eskwelahan eh dito din naman ako babagsak. Baluktot. Actually, ang mahal na kasi ng tuition ngayon, mas mahal na nga, eh siyempre ako na magpapaaral sa sarili ko, ang hirap nun! hehe. Pero kung bibigyan ako ng maganda-gandang pagkakataon, gusto ko parin bumalik dahil pangako ko sa nanay ko ga-graduate ako. At ang pangako ko sa sarili ko, bukod sa makapunta ng Disney Land ay sana naman makuha ko ang diploma ko bago ako mag-trenta.


Pero sa ngayon, kailangan ko munang kumayod. At ito na nga, napakabait ng Diyos sa'kin at wala na kong mahihiling pa. Nagagamit ko ngayon ang mga natutunan ko sa paaralan. Hindi man ako nabigyan ng pagkakataon na magpasikat sa unibersidad noon, pwes magpapasikat ako ngayon sa trabaho. Hindi man ako nakakuha ng uno na marka sa Public Speaking at Oral Interpretation, pwes ngayon tumataginting na tatlong libo para sa voice over.
Oh yeah, ako na talaga! haha.


Hindi ko intensyon na magmayabang. Isa lang ito sa paraan ko ng pagpapasalamat sa talentong ito na kahit kailan ay hindi din sumagi sa isip ko na magagamit ko sa pagtanda ko. Nag-umpisa sa mga sponsors lang noon para sa CBB. At natatandaan ko pa, nagvoice din ako sa isang concert ng sikat na lokal band noon sa isang school sa probinsyang nakalimutan ko na. Pero gig to ng Cueshe at ang nakakatawa pa, live VO at ang mas nakakatawa pa... pumiyok ako hahahaha. Bata-bata pa ako noon at kahit noon hanggang ngayon hindi ko parin tinitingnan ang career na ito bilang ultimate career ko. Alam kong marunong ako pero hindi ako magaling haha. Kung sino lang ang may lakas ng loob na magtiwala sa talentong ito pinagbibigyan ko at ang maganda doon, kumikita ako.


Hindi man permanente o pabugso-bugso ang dating, ayos lang sa'kin. Boses naman ito at hindi masakit sa loob na ikalugi dahil wala namang malaking capital na kailangang isugal. Talento lang daw ika nga nila at nagpapasalamat ako sa talentong ito, overwhelming kapag na-aapreciate ng iba at nakatataba ng puso 'pag naiisip kong lumalabas sa speakers ng mga telebisyon ninyo paminsan-minsan ang boses ko. Hindi man magmukhang mahalaga sa mga makikinig, ayos lang no, sus!


Matagal ko nang natanggap na hindi ako para sa ospital o sa korte. Hindi ko man inexpect na sa TV pala ko, nagpapasalamat na rin ako dahil masaya naman ako sa kung saan ako ngayon :D at para dito naman ata talaga ko - (parang 'di pa ko sigurado?! haha).


Hanggat' nandito pa ang lalamunan ko at gumagana pa ang baga ko at may dila pa ko at ngipin pa ko at buhay pa ko at hanggat kaya pang bumigkas ng letra at pangungusap. Hindi ko tatanggihan ang blessing na ito dahil kabuhayan showcase ang kapalit kahit boses lang ang puhunan. C'mon! :)))

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento